TINIYAK ng Malakanyang na hindi bibigyan ng VIP treatment ang 90-taong-gulang na si Senador Juan Ponce Enrile matapos na kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa kanya.
Si Enrile ay nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng pagkakasangkot sa P10 bilyon pork barrel scam.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na bagama’t kinukonsidera ng Pangulong Benigno Aquino III na sumailalim ang senador sa hospital arrest dahil sa kanyang edad at kalusugan ay hindi naman aniya ito nangangahulugan na dapat nang bigyan ng VIP treatment si Senador Enrile.
Kaya nga ang panawagan ng Malakanyang sa taumbayan ay manatiling mapagmasid sa atensyon at pagtratong ibibigay kay Senador Enrile ng mga kinauukulan.
“Siguro hindi ‘yung better treatment pero ‘yung mga kondisyon na naaayon dahil doon sa kanyang mga sakit at doon sa kanyang edad. Para lang ma-consider na… These things should be taken into consideration while he is in detention,” ani Usec. Valte.
Samantala, nanawagan din ang Malakanyang sa publiko na manatiling bigilante sa magiging pagtakbo ng imbestigasyon ng pork scam laban kina Enrile, Senador Jinggoy Estrada, Ramon Revilla, Jr. atbp.
“As the nation closely follows this important episode in the pursuit of truth, we continue to ask the public to remain vigilant as the Sandiganbayan works to fulfill its mandate: to follow the appropriate processes in the service of justice,” anito.
The post Walang VIP treatment kay JPE — Palasyo appeared first on Remate.