“HUWAG ipagpalit ang buhay sa pera.”
Ito ang ipinaalala sa mga overseas Filipino workers (OFW) ni Father Resty Ogsimer, executive secretary ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kasunod nang pagkaipit ngayon sa kaguluhan ng ilang OFWs sa bansang Guinea, Liberia, Sierra Leone at Libya.
Tinukoy din ng pari ang mga bansa sa Western Africa kung saan kumakalat ang “Ebola virus”.
Bukod dito, 14 na bansa pa ang mahigpit na binabantayan ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasabay nito, nanawagan din si Ogsimer sa mga OFW na sumunod sa mga panuntunan at babala ng DFA kaugnay sa kalagayan ng bansang kanilang pinagtatrabahuhan.
“The safest way is always to follow the advisory of the Foreign Affairs, kapag sinabi kasi ng DFA na halimbawa ito ang level, then dapat susunod sila. Kapag hindi mo sinunod ‘yung advisory then you risk yourself and that is the danger kasi ang accountability sometimes mahirap kung hindi tayo susunod sa kung ano ang payo ng kataas-taasan lalo na sa ating gobyerno,” ani Ogsimer.
Hinimok rin naman ng pari ang mga OFW na maging mapagmatyag at tiyakin ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan rin ng pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Aminado ang pari na nakikipagsapalaran ang maraming Filipino sa ibayong dagat para sa kapakanan ng kanilang pamilya sa Pilipinas at hindi mapipilit ang ibang OFW na umuwi sa Pilipinas sa kabila ng banta sa kanilang buhay dahil wala naman silang pagkakakitaan sa bansa.
The post ‘Huwag ipagpalit ang buhay sa pera’ — CBCP appeared first on Remate.