MAGSASAGAWA ng nationwide earthquake drill sa Hulyo 2, Miyerkules ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa panayam kay Undersec. Alexander Pama, executive director ng NDRRMC, sabay-sabay aniya na isasagawa ang drill sa Maynila partikular na sa Roxas Boulevard na malapit sa US Embassy at sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
“Ito naman pong gagawin natin will be scenario-driven dahil sa pagkakataon na ito, ating susubukin ‘yung mga natutunan ng ating responders pati na rin po ‘yung mga magiging reaction nila.”
Sa gagawing aktibidad ay tututukan ang mga mag-aaral at namumuno ng mga paaralan at maging ang mga naninirahan sa mga matataas na condomonium o gusali.
Kasali rin sa naturang drill ang mga empleyado at opisyal sa gobyerno.
Sabi pa ni Pama, bahagi ito ng National Disaster Consciousness Month na pormal na uumpisahan sa Camp Aguinaldo sa Martes, Hulyo 1.
Ganoon pa man ay apat na beses sa kada taon na magsasagawa ng naturang drill.
Samantala, nagpaalala naman si Pama sa mga nakakatanggap ng mensahe sa kani-kanilang mga cellphone patungkol sa lindol na ikumpirma muna ito sa mga sangay ng pamahalaan dahil maraming nagpapadala ng prank texts.
The post Nationwide earthquake drill pangungunahan ng NDRRMC appeared first on Remate.