AYAW sakyan ng Malakanyang ang pagiging “atat” ni Senador Miriam Defensor-Santiago na maihayag ang kanyang hangarin at ambisyon na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 elections.
Ayon kay Press Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr., wala sa agenda ng pamahalaan ang usapin ng pulitika sa 2016 dahil nakatuon ang kanilang pansin sa pagpapatupad ng mga programa sa reporma at ang pag-deliver ng mga ipinangako ni Pangulong Benigno Aquino III na naaayon sa Philippine Development Plan.
“Kaya mas mainam po siguro na hintayin na lang natin kung ano man ang magiging deklarasyon ni Senador Santiago at iginagalang naman po namin ang kanyang mga opinion,” ayon kay Sec. Coloma.
Tikom naman ang bibig ng opisyal kung si Senador Santiago nga ang magiging standard bearer ng Liberal Party (LP).
Mas makabubuti aniya na ang LP ang tanungin sa bagay na ito.
Matatandaang naging maingay ang pangalan ni DILG Sec. Mar Roxas bilang pambato ng LP sa 2016 presidential elections at kamakailan naman ay naging matunog ang pangalan ni Senador Grace Poe.
WALA namang sama ng loob ang Malakanyang kung itulak nga ni Santiago ang kanyang ambisyon na tumakbo sa pagka-pangulo.
“Wala po akong nababatid na batayan para magkaroon ng ganyang sinasabing hard feelings, wala po,” ani Sec. Coloma.
The post Palasyo dedma sa pagka-”atat” ni Santiago sa 2016 election appeared first on Remate.