PANIBAGONG mga mukha na naman ang makikita sa Aquino government.
Ito’y matapos na magtalaga si Pangulong Benigno Aquino III ng bagong administrador ng National Food Authority (NFA) at Philippine Coconut Authority (PCA) na makakatuwang ni Presidential Assistant for Food and Security & Agricultural Modernization Sec. Francis Pangilinan sa ginagawa nitong pagsugpo sa Coco-Lisap.
Itinalaga ni Pangulong Aquino ang dating presidente ng San Miguel Foods, Inc., Arthur O. Juan, bilang NFA Council member at administrator, para palitan si Orlan A. Calayag na magtatapos ang termino sa Hunyo 30, 2014.
Pinangalanan naman ng Punong Ehekutibo si Romulo N. Arancon, Jr. bilang administrador at miyembro ng PCA Governing Board. Papalitan naman nito si Euclides G. Forbes.
Bago pa ang kanyang appointment, si Arancon ay nagsilbi bilang executive director ng Asian and Pacific Coconut Community Jakarta mula Hulyo 2006 hanggang Enero ng taong kasalukuyan.
Nagtalaga rin si Pangulong Aquino ng mga bagong opisyal para sa Department of Education (DepEd) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Itinalaga ng Pang. Aquino bilang mga bagong miyembro ng National Council for Children’s Television ng DepEd sina Ramon R. Osorio, kakatawan sa Broadcast Media Sector; at Luis P. Gatmaitan, kakatawan naman sa Child Development Specialists Sector.
Pinangalanan naman si Emerita I. Garon bilang miyembro na kakatawan sa pribadong sektor na Governing Board of the Early Childhood Care and Development Council.
At para naman sa DENR ay itinalaga ni Pangulong Aquino sina Donna M. Gordove, Arthur C. Salazar at Nonito M. Tamayo bilang Directors III; at Leo Van V. Juguan bilang Director II.
The post Bagong mukha sa gobyerno, itinalaga ni PNoy appeared first on Remate.