SINOPLA ng prosekusyon ang inihaing mosyon ni Senador Jinggoy Estrada ukol sa kahilingang pagpapiyansa.
Sa inihaing komento ng prosekusyon, ipinababasura ng mga ito ang hiling ni Estrada dahil sa kawalan ng sapat na merito.
Binigyang-diin ng prosekusyon na hindi maaaring pagbigyan agad ang hiling ni Estrada hangga’t hindi pa dinidinig ng korte ang apela nito.
Banggit pa sa komento na mali umanong igiit ng kampo ng senador na walang ebidensyang magdidiin sa kaniya sa kasong plunder dahil wala naman ang pagdinig kung saan ipapakita ng prosekusyon ang mga ebidensya laban sa akusado.
Samantala, pinayuhan ngayon ni Sandiganbayan Clerk of Court Atty. Renato Bocar ang mga naisyuhan ng warrant of arrest na maglagak na piyansa upang makaiwas sa aresto.
Dalawang uri aniya ng piyansa ang maaaring gawin ng mga ito, ang isa ay cash at ang isa naman ay surety bond gaya ng ginawa ng mga anak ni Janet Napoles na kinasuhan din ng graft kaugnay ng pork barrel scam.
Sa ngayon, nakapagpiyansa na rin ang ilan sa mga kasamang kinasuhan ni Estrada na si Gregoria Buenaventura – P75,000, Consuelo Espiritu- P30,000 at Romulo Relevo – P60,000.
Sinabi pa ni Bocar na pinag-aaralan na ng Sandiganbayan ang paglalagay ng wide screen para sa publiko kaugnay ng paglilitis sa mga senador at iba pang sangkot sa P10 bilyong pork barrel scam.
Ito’y upang ipakita aniya sa publiko ang pagiging transparent ng korte dahil hindi naman aniya lahat ay maaaring pumasok sa court room.
“We can only accommodate a sizable crowd inside the courtroom and the only remedy to give public a chance to watch the proceedings is to put up giant screen, maybe at the lobby,” ayon pa rin kay Bocar.
The post Hiling na pagpiyansa ni Jinggoy, hinarang appeared first on Remate.