MALALAKING bangaw ang naging susi sa pagkakadiskubre sa isang fetus na inilagay sa plastic na lalagyan ng ice cream bago itinapon sa ilalim ng water sub-meter kahapon ng umaga sa Pasay City.
Batay sa ulat ng Pasay City police, alas-7 ng umaga ng madiskubre ang fetus ni Liberto Gaton, 58, may asawa, porter ng Jam Liner Transit, ng 2166 Taft Ave., Pasay City, habang naglalakad ito sa harapan ng isang bahay sa Barangay 49, Zone 7 ng nabatid na lungsod.
Nauna dito, naglalakad si Gaton nang mapansin nito ang maraming bangaw sa nagmumula sa ilalim ng isang water sub-meter na naging dahilan upang usisain niya ito.
Sa kagustuhan nitong malaman ang nasa loob ng pinaglagyan ng ice cream ay binuksan niya ito kung saan tumambad sa kanya ang isang fetus na tinatayang nasa 3 hanggang 4 na buwan.
Agad ipinagbigay alam nito sa mga awtoridad ang insidente at patuloy na inaalam ang kasarian ng nasabing fetus.
Pansamantalang inilagak sa Veronica Funeral Homes ang nasabing fetus upang mabigyan nang magandang serbisyo sa paglilibingan nito.
The post Fetus sa lagayan ng ice cream, natagpuan sa Pasay appeared first on Remate.