“HINDI ko akalain na maaapektuhan ako, masasaktan ako at mararamdaman ko ang ganitong feelings. Kahit hindi kami nagkakaunawaan, nalulungkot ako syempre dahil kapatid ko pa rin ‘yan.”
Ito ang pahayag ni Sen. JV Ejercito bilang reaksyon sa warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan kaninang umaga kaugnay sa plunder at graft case ni Sen. Jinggoy Estrada, nakatatandang kapatid sa ama kay Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada.
“Honestly, ‘di ko akalain na maaapektuhan din ako sa napanood ko kanina habang nasa bahay sila at naghahanda na patungong Camp Crame. ‘Yung anak niyang bunso ayaw humiwalay sa kanya, mga pamangkin ko nag-iiyakan. Mas masakit ito para sa family members,” ani Ejercito.
“I could just imagine the pain and agony that they are experiencing right now. Hindi naman tayo pusong-bato,” saad pa ng batang solon.
“’Yung anxiety napakahirap nu’n. Mental torture sabi nga ni Sen. Jinggoy.”
Aminado rin si Ejercito na nais niya ring magtungo kanina sa Camp Crame dahil naroroon lahat ng kanyang mga kapatid sa ama at siya lamang ang wala na nakikidalamhati sa pamilya ng kapatid.
“Pero naisip ko hindi pa ito ang tamang panahon. In due time siguro. ‘Pag naramdaman ko ‘yung tamang panahon gagawin ko na ‘yun,” aniya.
Mensahe pa nito sa kapatid : “Just remain strong, just pray. Hindi man tayo nagkakaunawaan ngayon… hope for the best…I know in due time…”
Tulad ng pangako ni Estrada, kusa siyang susuko kapag inilabas na ang nasabing warrant of arrest.
Ang magkapatid na Jinggoy at JV ay matagal nang may alitan subalit lalo itong lumala nang lumagda ang nakababatang solon sa committee report ng Senate Blue Ribbon committee sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa anomalya sa P10 bilyong anomalya sa PDAF.
Minasama ito ni Estrada hanggang sa humantong sa mensahe ng palitan ng mga titulo ng kanta subalit ani Ejercito kahit sa kanta ay ‘di sila magkasundo.
The post JV kay Jinggoy: ‘Hope for the best’ appeared first on Remate.