POSIBLENG suspendihin ang prankisa ng mga sumama sa malaking protest caravan noong Huwebes.
Ito ang pahayag kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Chairperson Winston Ginez, nangangalap na ang LTFRB, Department of Transportation and Communication (DOTC) at Land Transportation Office (LTO) ng impormasyon ukol sa mga sumali sa protesta.
Matatandaang tutol ang mga driver at operator sa implementasyon ng P1 milyong multa sa kolorum na bus na mahuhuling bumibiyahe.
Sa nasabing rally, tinakpan ng mga driver ang plaka at ibang marka sa sasakyan upang makaiwas sa multa.
Gayunman, nakunan umano ng video at larawan ang mga tsuper at operator.
Unang sinabi ng LTFRB na posibleng suspensyon at kanselasyon ng prangkisa ang mga nakiisa sa protesta depende sa naging partisipasyon ng mga ito.
Daan-daang pasahero ang na-stranded dahil sa protest caravan noong Huwebes.
Agad sumaklolo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamamagitan ng poagbibigay ng libreng sakay.
Tumulong din ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), ngunit hindi sapat ang mga ipinadalang trak upang suportahan ang dami ng mga pasahero.
The post Mga nag-kilos-protesta sususpendihin ang prangkisa appeared first on Remate.