ISASAILALIM sa paghahanda ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang 587 pulis para sa pangangalaga sa katahimikan ngayong “campaign period” at sa aktuwal na halalan dahil na rin sa inaasahang mainit na labanan sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Inumpisahan na kaninang isailalim sa “laws and jurisprudence” ang naturang mga pulis upang maunawaan ang “elections laws” na nakatutok sa karapatang pantao, “custodial investigation, omnibus election code, criminal procedure, criminal law at mga batas sa pag-aresto, paghalughog at pagkumpiska.
Tatlong araw tatagal ang seminar na pamamahalaan ng Institute of Government and Law Reform (IGLR) ng University of the Philippines sa NCRPO Multi-Purpose Hall sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa naturang bilang, 133 sa mga pulis ang buhat sa Northern Police District; 80 buhat sa Eastern Police District; 105 buhat sa Manila Police District; 127 mula sa Southern Police District at 142 naman sa Quezon City Police District.
Bahagi ito ng paghahanda ng PNP sa pagpapaigting sa seguridad ngayong halalan lalo na’t nagkakaumpisa nang magkainitan ang mga lokal na kandidato. Ito ay makaraan ang gusot ngayon na umiiral sa lungsod ng Maynila makaraang arestuhin ng mga pulis si incumbent Vice-Mayor Isko Moreno.
Binilinan naman ni PChief Supt. Paterno Hernandez ang mga pulis na intindihing mabuti ang nilalaman ng seminar upang maipatupad ito ng maayos at hindi malagay sa alanganin sa mga kandidato.