AYAW makisawsaw ng Malakanyang sa nadiskubre ng korte na pag-withdraw ng P39 million ng isang kompanya ni pork barrel scam Janet Lim-Napoles sa kabila ng freeze orders sa bank account nito.
Ayon kay Press Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr., ang usapin tungkol sa umano’y pag-withdraw ng pera sa kompanya ni Gng. Napoles ay kasalukuyang nililitis sa hukuman, RTC Branch 22, Manila.
“Nirerespeto namin ang proseso ng paglilitis sa kasong ito. Hintayin na lamang natin ang magiging pasya ng hukuman,” ayon kay Sec. Coloma.
Sa ulat, nadiskubre sa isinagawang pagdinig sa Manila Regional Trial Court Branch 22 ukol sa forfeiture case laban sa mga ari-arian ni Napoles na unang naglabas ng Provisional Assets Preservation Order (PAPO) sa Napoles accounts noong May 26, 2014, habang ang pangalawang PAPO ay hindi nailabas hanggang Hunyo 6, 2014.
Dahil sa nasabing delay sa request ng Anti-Money Laundering Council’s (AMLC), umabot sa P39 million mula sa P46 million na nakadeposito sa account ni Napoles sa United Coconut Planters Bank (UCPB) ang na-withdraw nitong Mayo ayon sa nagtestigo sa korte na bank official.
Agad namang pinagpapaliwanag ni Manila RTC Branch 22 Presiding Judge Marino dela Cruz ang AMLC sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) hinggil sa nasabing isyu.
Ayon pa sa report, nakakuha ang UCPB ng formal confirmation mula sa AMLC na ang naibabang freeze order ay nag-lapse na.
Ayon naman sa AMLC, na-delay ang kanilang request na isa pang PAPO, dahil nag-iipon pa sila ng mga panahon na iyon ng ebidensya para sa civil forfeiture case.
The post Palasyo dedma sa pag-withdraw ng P39m ni Napoles appeared first on Remate.