IPINABABASURA ni Manila Mayor Joseph Estrada sa Korte Suprema ang disqualification case na inihain laban sa kanya kaugnay ng kandidatura niya bilang mayor noong 2013 Elections.
Nakasaad sa 70-pahinang memorandum ni Estrada na ibasura ang petisyon na inihain laban sa kanya ni Atty. Alicia Risos-Vidal gayundin ang petition-in-intervention na inihain ni dating Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa kawalan ng merito.
Nais ni Erap na paburan ng SC ang Comelec Resolution na nagsasabing kwalipikado siyang kumandidato, at pagtibayin ang kanyang pagkapanalo bilang halal na alkalde ng Lungsod ng Maynila.
Nais din ni Estrada na iutos ng korte ang pagdaraos ng oral argument sa kanyang kaso para mabigyan ng linaw ang ilang mga isyu.
Nanindigan si Estrada na kwalipikado siyang tumakbo dahil ang iginawad sa kanya ni dating Pangulong Gloria Arroyo nang siya ay mahatulan sa kasong plunder ay absolute pardon.
Malinaw umanong nakasaad sa executive clemency na ipinagkaloob ni Ginang Arroyo noong October 25, 2007 na ibinabalik sa kanya ang kanyang civil at political rights at kasama na rito ang kanyang karapatan na kumandidato sa eleksyon.
The post Kaso ipinababasura ni Erap sa Korte Suprema appeared first on Remate.