HINDI ililipat ng piitan ang mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon, na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ito’y matapos ibasura ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 Judge Thelma Bunyi-Medina ang mosyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Camp Bagong Diwa o sa anomang city jail ang magasawang Tiamzon.
Ayon kay Atty. Rachel Pastores ng National Union of People’s Lawyers, hindi na pinaburan ang mosyon dahil may nauna nang commitment order ang hukuman na dapat sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ipiit ang mag-asawa.
Samantala, kinalampag naman ng mga raliyista ang harap ng Manila City Hall na tila inaalis ang mag-asawang Tiamzon sa sinasakyan nitong van.
Nagkaroon pa ng tulakan sa lugar kaya’t agad dumating ang tauhan ng Manila Police District (MPD).
Bahagyang humupa ang tensyon ngunit nagbalik-demonstrasyon agad ang mga militanteng grupo.
Marso 22 nang arestuhin sa Cebu ang mag-asawa dahil sa patung-patong na kaso.
The post Tiamzon couple, mananatili sa PNP Custodial Center appeared first on Remate.