KINONDENA ng Malakanyang ang pagpaslang kay Nilo Baculo, Sr., brodkaster na taga-Mindoro na binaril sa hindi kalayuan sa kanyang tahanan sa Lungsod ng Calapan, Mindoro Oriental.
Ayon kay Press Secretary Herminio “Sonny “Coloma Jr. na inatasan na ang Philippine National Police (PNP) na gawin ang lahat ng makakaya para madakip ang mga pumaslang kay Baculo upang mapanagot sa ginawang krimen.
Tiniyak din ng opisyal na handa silang makipagtulungan sa lahat ng kinauukulang sektor upang makamit ni Baculo ang katarungan.
“Hangad naming makipagtulungan sa National Press Club, gayundin sa iba pang organisasyon sa pamamagitan ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 35, na isang inter-agency body na nilikha ng Pangulo upang mapabilis ang pagdakip at pag-uusig sa mga pinaghihinalaan sa usapin ng media killings,” ayon kay Sec. Coloma.
Si Baculo, 67, ang host ng programang “Isumbong Mo Kay Ka Nilo” sa lokal na himpilan ng radyo na dwIM sa Calapan.
Noong 2008, nagharap siya ng kahilingan sa hukuman upang humingi ng proteksiyon matapos na matuklasan niya na balak siyang patayin.
Ang kaso ay dinala sa Kataas-taasang Hukuman na nagkaloob naman sa kanya ng pansamantalang proteksiyon.
Gayunman, ang kahilingan ay ibinalik sa Hukuman sa Paghahabol (Court of Appeals) na tumanggi sa kahilingan ni Baculo sapagka’t hindi niya napatunayang nasa panganib ang kanyang buhay.
The post Pagpaslang sa brodkaster na si Baculo, kinondena ng Malakanyang appeared first on Remate.