IWAS-PUSOY ang Malacañang sa hirit na hospital o house arrest kay Sen. Juan Ponce Enrile, kasama sa tatlong senador na kinasuhan ng plunder kaugnay ng P10-billion pork barrel scam.
Ayon sa pahayag ni Communications Sec. Sonny Coloma, hihintayin muna nila ang desisyon ng Sandiganbayan sakaling humirit ng house arrest si Sen. Enrile.
Sinabi ni Coloma, wala na sa kamay ng Ehekutibo ang kapalaran ni Enrile at bahala na ang anti-graft court kung saan ito ipakukulong.
Umapela si Sen. Jinggoy Estrada sa pamahalaan na kung maaari ay hindi na ikulong si Senate minority leader Juan Ponce Enrile kaugnay ng kanilang kinakaharap na kasong plunder sa Sandiganbayan.
Si Enrile na ngayon ay 90 taong gulang ay kasama nina Estrada at Sen. Ramon Revilla Jr., na sinampahan ng kasong pandarambong bunsod ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Nang nakausap ni Estrada si Enrile ay nanatiling kampante ang dating pangulo ng Senado at nakahanda namang humarap sa kanyang kaso sa Sandiganbayan.
Magugunitang nitong nakalipas na araw ng Biyernes ay tuluyan nang isinampa ng Office of the Ombudsman ang none-bailable case na plunder sa Sandiganbayan laban kina Enrile, Estrada, Revilla at Janet Lim-Napoles at iba pa.
Sa panig ni Estrada tiniyak nitong hindi siya magtatago sa batas sa oras na ipaaresto siya ng korte sa halip ay kusa siyang susuko.
The post Malakanyang dedma sa house arrest ni JPE appeared first on Remate.