IBINUHOS ng Alaska Milk Aces ang kanilang galit sa defending champions San Mig Super Coffee Mixers matapos higupin ang 93-84 panalo ng una sa nagaganap na PLDT Home TelPad PBA Governors Cup eliminations sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kagabi.
Bago ang laban ng Aces sa Mixers, lumasap muna ito ng malaking kahihiyan dahil natalo sila sa Rain or Shine Elasto Painters ng 51 puntos, 72-123 noong Miyerkules ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig.
Umarangkada ng 32 puntos, 13 rebounds at anim na assists si import William Henry Walker upang iangat ang Alaska sa 3-4 win-loss card.
Nagkaroon ng malaking tsansa ang Alaska na makuha ng puwesto sa top four para mabiyayaan ng twice-to-beat sa last eight.
Napatid ang three-game winning streak ng Mixers kaya naantala ang pagkopo nila para sa second quarterfinals slot.
Kasalo ang San Mig ang Air21 Express at San Miguel Beermen sa third to fifth place tangan ang tig 4-2 baraha.
Ayon kay rookie coach Alex Compton, ipinakita ng kanyang mga bataan ang gusto niyang mangyari sa court kaya naman medyo nahimasmasan ito sa kalbaryong nalasap sa RoS.
Nag-ambag din para sa Alaska sina Vic Manuel at Cyrus Baguio ng tig 14 at 13 points ayon sa pagkakasunod habang may bakas na 11 pts. si Gabby Espinas.
Si Joe Devance naman ang nanguna sa opensa para sa San Mig matapos magtala ng 14 puntos habang may 13 pts. si Alex Mallari.
The post Aces sa Mixers bumawi appeared first on Remate.