NAGHATID ng notice of eviction ang mga lider ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila ngayong umaga.
Kasama ng notice of eviction ang isang sulat ng grupo kay President Barack Obama na nagsasaad ng kawalan umano ng awtoridad ng Estados Unidos na magmantini ng diplomatic establishment sa teritoryo ng bansa gaya ng kasalukuyang embahada.
Ayon sa sulat, ang ilan sa mga batayan umano ng Kadamay sa pagpapatalsik sa US Embassy ay ang mga sumusunod: 1) pagwasak sa likas yaman ng bansa gaya ng ginawa ng USS Guardian sa Tubbataha Reef, pagtatapon ng dumi ng mga barkong pandigma ating karagatan, kasama na ang large-scale mining at logging sa bansa; 2) nagpapatuloy na interbensyon ng US sa militar at pulitika ng bansa gaya na pananatili ng mga armadong pwersa ng US Army sa Camp Navarro sa Zamboanga City at paglahok nila sa mga operasyon ng Philippine Army; at 3) imposisyon ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya ng bansa na nasa likod ng pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at pasilidad, deregulasyon ng mga industriya gaya ng oil industry at liberalisasyon ng lokal na ekonomiya sa siyang nasa likod ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Gloria Arellano, dapat putulin na umano ng gubyerno ng Pilipinas ang relasyon nito sa US sa laranagan ng ekonomiya, pulitika at militar na mahabang panahong nasa likod umano ng kahirapang dinaranas ng sambayanang Pilipino.
Bagamat walang tumanggap na opisyales ng US Embassy sa sulat ng Kadamay dahil ngayong araw ay Presidential Holiday sa Estados Unidos, hiniling ni Arellano kay President Obama na seryusuhin pa rin ang kanilang mensahe.
“Kagaya ng ginagawa ng gubyerno sa mga maralitang binibigyan nito ng mga notice of eviction, darating ang panahon na pwersahang palalayasin ng sambayanang Pilipino ang mga opisyales ng US Embassy mula sa kanilang opisina,” banta ni Arellano.