PATAY ang 28-anyos na lalaki nang mabaril ng pulis na rumesponde matapos i-hostage ang dati niyang kasintahan matapos pagsasaksakin nito ang biktima kanina sa Parañaque City.
Hindi na umabot nang buhay sa Olivarez Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan ang suspek na si Alexander Godofredo, ng Marquez Compound, Barangay BF Homes habang nasa ligtas nang kalagayan sa naturan ding pagamutan ang biktimang si Alicia Nulla, 40, labandera ng United Parañaque Subdivision 5, Barangay San Isidro na nagtamo ng apat na tama ng saksak sa hita at dibdib.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Parañaque police chief Senior Supt Billy Beltran, dating magkasintahan ang suspek at ang biktima na nauwi sa paghihiwalay matapos magpasya ang babae na kumalas na sa kanilang relasyon.
Nauna rito, alas-3 ng hapon nang magtungo si Godofredo sa tinutuluyan ng dating kasintahan upang komprontahin hinggil sa naging pasiya ng babae na makipaghiwalay.
Lasing umano ang suspek kaya’t humantong sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap hanggang bumunot ng patalim si Godofredo at tinakot na papatayin ang kasintahan.
Agad namang nakapagresponde ang mga tauhan ng Barangay San Isidro Police Community Precinct (PCP) kaya’t nang makitang pinagsasasaksak na ang babae ay nagpasiya silang barilin ang salarin.