NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 393 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa noong Abril 2014.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine HIV and AIDS Registry, nabatid na mas mababa ang naturang bilang kumpara sa naitala nilang mga bagong kaso ng sakit sa nakalipas na tatlong buwan, kabilang na ang 448 bagong HIV cases nitong Enero, 2014; 486 nitong Pebrero at 498 nitong Marso.
Mas mataas naman ang April 2014 figure ng 1.3 porsiyento kumpara sa naitalang kaso noong Abril 2013, na umabot lamang ng 388.
Sa mga bagong HIV cases nitong Abril 2014, nabatid na 28 ang full-blown Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) na at pito sa mga ito ang nasawi nitong Abril.
Ang 361 cases o 92 percent ng mga bagong kaso ay nakuha dahil sa pakikipagtalik, at karamihan ay mula sa men-having-sex-with-men (MSM) population (303 cases o 84 percent).
Kabuuang 47 bagong kaso naman ang mula sa hanay ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakakuha rin ng sakit dahil sa pakikipagtalik.
Natuklasan rin ng DOH na mahigit isa sa bawat apat na pasyente o 26.4% sa mga bagong kaso ang mula sa sector ng mga kabataan o nagkaka-edad lamang ng 15 hanggang 24 taong gulang.
Ayon sa DOH, ngayong unang apat na buwan pa lamang ng taong 2014 ay umabot na sa 1,825 ang bilang ng HIV cases kung saan 174 ang nagde-develop na sa AIDS cases at 44 ang patay.
Umaabot naman na sa 18,341 HIV cases ang naitala sa bansa simula 1984 kung kailan sinimulang gawing regular ng DOH ang monitoring sa sakit, kabilang rito ang 1,680 AIDS cases at 981 deaths.
The post Bagong kaso ng HIV positive naitala ng DoH appeared first on Remate.