PINAYUHAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga produkto online kasunod nang pagkatuklas na ilang produktong ibinebenta sa internet ay peke ang Certificate of Product Registration (CPR).
Sa isang advisory, sinabi ng FDA na natukoy sa monitoring ng kanilang Health Scams Unit sa website ng Nutribiz International Inc. na www.nutribizph.com nakita na ang kanilang ibinebentang Nutri 21 Juice 21-in-1 Herbs and Fruits Powder Drink Mix (sachet) ay peke ang CPR.
Hindi rin rehistrado sa kanilang tanggapan ang mga naturang produkto.
Nang imbestigahan, nadiskubre na ang FDA. Form No. FB-005166 na ginamit umano para sa nasabing produkto ay para sa FDA Registration No. : FR-101774 ROYCE’ BATON COOKIES “2 Flavors” Coconut and Hazel Cacao Chocolate Confectionery na ang importer ay Artisanal Corporation habang ang FDA Registration No. : FR-101969, FDA Form No.FB-005274 ay para sa CREATION 2011 Sauvignon Blanc alc. 14.5% vol. (bottle) na ang importer ay Zen Asia Incorporated.
Pinayuhan din ng FDA ang mga consumers na huwag bilhin ang Nutri 21 Juice 21-in-1 Herbs and Fruits Powder Drink Mix na hindi dumaan sa kanilang pagsusuri.
Kaugnay nito, pinayuhan rin ng FDA ang mga consumer na nais bumili online na maging mapagmatyag at alamin ang kanilang karapatan bilang mamimili.
Para anila makasiguro naman na rehistrado sa FDA ang isang produkto ay maaari itong tingnan sa website ng FDA na www.fda.gov.ph.
The post FDA nagbabala sa mga produktong ibinebenta online appeared first on Remate.