AARANGKADA na sa Miyerkules, Mayo 21 ang World Economic Forum (WEF) on East Asia na sa unang pagkakataon ay idaraos sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, pangungunahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang pagpupulong na dadaluhan nina Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono, Vietnamese Prime Minister Nguyen Tan Dung, at Vice President ng Myanmar Nyan Tun.
Bukod sa kanila’y dadalo rin ang tinatayang 600 lider at delegado mula sa mga sektor ng negosyo, pinansyal at civil society mula sa 30 bansa.
Ani Coloma, magsisilbing main venue ang Shangri-La Makati Hotel habang sa iba pang mga hotel sa Makati gaganapin ang iba pang pagpupulong.
Tutuon anya ang pagpupulong sa mga sumusunod; pagtamo ng patas o karampatang pag-unlad, pagsulong ng mga modelo sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya at pagtamasa at pagpapatibay ng buklurang pang-rehiyon sa Silangang Asya.
Kabilang din sa inaasahang tatalakayin sa pulong ang iba’t ibang oportunidad sa negosyo at pamumuhunan sa gitna ng ASEAN economic community sa taong 2015, pagsulong ng mga programang magtataguyod ng malawakan, makahulugan, at makatarungang pag-unlad sa mahigit na tatlong bilyong naninirahan sa Timog Silangang Asya, India at Tsina.
Dagdag pa ng kalihim, tampok din sa forum ang natatanging pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas, maging ang muling pagtataas ng Standard & Poor’s credit rating services ng credit rating ng Pilipinas mula sa dating antas na BBB- patungong BBB na isang baitang na mas mataas sa investment grade.
The post 600 leaders, delegates, sa World Economic Forum, parating na appeared first on Remate.