DUMIPENSA na rin si House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. para sa tatlong gabinete na idinadawit sa pork barrel scam matapos ang mga panawagang magsipagbitiw na ang mga ito.
Katulad ni Pangulong Aquino, ipinagtanggol na rin ni Belmonte sina Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, TESDA Director-General Joel Villanueva at Agriculture Secretary Proceso Alcala sa pagsasabing wala pang mabigat na dahilan para magbakasyon ang mga ito at lalong wala pang basehan para magbitiw sila.
Base pa lamang aniya sa mga salita at dokumentong hindi naman pirmado ng mismong tao na nag-aakusa ang tsismis.
Sina Abad, Villanueva at Alcala ay parehong kasama sa listahang isinumite nina Rehabilitation Czar Panfilo Lacson at Justice Secretary Leila de Lima sa Senate Blue Ribbon Committee.
Kasabay nito ay iminungkahi naman ni Leyte Rep. at Independent Minority Bloc leader Ferdinand Martin Romualdez na ipaubaya na lamang ng Kamara sa oposisyon ang imbestigasyon sa pork barrel scam.
Ito ay matapos igiit ni Romualdez na dapat magkaroon ng sariling pagsisiyasat ang Kamara para matugunan ang umiiral na krisis sa reputasyon ng Mababang Kapulungan.
Kung mananatili aniyang iwas-pusoy ang Kamara sa patuloy na umiinit na isyu ng scam sa PDAF ay hindi maiiwasang isipin ng publiko na pagtatangka itong protektahan ang mga kaalyado ng administrasyon na sabit sa anomalya.
Ngunit tutol dito si Belmonte dahil sapat aniya ang imbestigasyon ng Senado at ang pagsisiyasat pa ngayon ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.
The post 3 CabSec sa PDAF scam idinepensa ni Belmonte appeared first on Remate.