HALOS kalahating milyon ang kita na natangay sa bookstore ng isang eskwelahan nang looban ng mga suspek na nagpanggap na customer sa Sta. Cruz, Maynila.
Nagtungo ngayon sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Theft and robbery section (TRS) si Bernadette Manansala, 55, finance officer ng Espiritu Santo Parochial School bookstore sa 2nd floor sa 1912 Rizal Ave., Sta. Cruz, Manila.
Sa report ni Sr. Insp. Alexander Rodrigo, Hepe ng MPD-TRS, dakong 3:00 ng hapon nang naganap ang insidente sa tindahan ng libro sa 2nd floor ng nasabing eskwelahan.
Sinamantala umano ng mga suspek na abala ang mga staff at trabahador habang ang guwardiya naman ay nasa unang palapag ng gusali ang tindahan ng libro kung saan nagpanggap silang mga customer at naglabas ng baril saka puwersahang kinuha ang money box na naglalaman ng tinatayang P463,000 kita ng bookstore.
Nang makuha ang pakay ng mga suspek ay kaswal lamang na naglakad papatakas.
Sinabi naman ni SPO1 Edgar Julian na posibleng may naganap na inside job dahil tila alam umano ng mga suspek kung anong oras ibina-bundle ang pera para ideposito sa bangko.
Ayon kay Julian, tuwing 3:00 ng hapon araw-araw ay iniaayos umano ang pera at 4:00 ng hapon ay dinadala na ito sa bangko.
Ayon pa kay Julian, maluwag din umano ang security at wala ring CCTV sa building.
Nabatid na ang may-ari ng bookstore ay si Father Nolan.
The post Bookstore ng eskwelahan, nilooban appeared first on Remate.