TINAWAG na ‘anti-poor’ ng isang solon ang circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na singilin ng buwis ang maliliit na negosyante.
Dahil dito, isinulong sa Senado ang panukalang exemption ng income tax ang marginal income earners (MIEs).
Kabilang dito ang magsasaka, mangingisda, tricycle drivers, sari-sari store owners at iba pang maliliit na negosyo.
Sa Senate Bill 2227 na inihain ni Sen. Bam Aquino, tulad ng minimum wage earners, i-exempt na sa income tax ang MIEs o self-employed na kumikita ng hindi hihigit sa P150,000 kada taon.
Reaksyon ito ng bagitong solon kasunod ng paglalabas ng BIR memorandum circular — Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 7-2014 – na nag-uutos sa MIEs na magbayad ng tax returns.
Aniya, ang pagpapataw sa MIEs ng buwis ay katulad na rin ng pagkumpiska sa maliit nilang kita na dito kinukuha ang panggastos sa araw-araw.
Ayon sa senador, kapag naisabatas, ia-adjust ng BIR ang income cap ng maliliit na negosyante para matapatan ang kinikita ng minimum wage earners.
Maliban sa income tax, hindi na rin sisingilin ang MIEs ng 12 porsiyentong value-added tax o kahit anong percentage tax na pinapataw sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997 dahil sila’y hindi saklaw ng mga nabanggit na buwis.
The post BIR circular sa maliliit na negosyo, anti-poor appeared first on Remate.