HINDI na nakasuweldo pa ang mga obrero ng isang construction site sa Quezon City nang ratratin ng kilabot na riding in tandem ang isang paymaster na may dala ng payroll sa Quezon City nitong Sabado ng umaga (Mayo 10).
Hindi na umabot ng buhay sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sanhi ng tama ng kalibre .45 ang biktimang si Lynnald Chris Que, 33. Si Que ay isang warehouse man sa ginagawang condominium unit sa Cubao, QC.
Tinutugis na ng QCPD operatives ang dalawang hindi nakikilalang kalalakihan na lulan sa walang plakang motorsiklo para panagutin sa krimen.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-10:15 ng umaga sa may General Romulo St., Cubao, Q.C.
Bago ito, dahil araw ng sahod kaninang umaga ay nag-withdraw sa bangko ang biktima at nilagay ang hindi pa malamang halaga ng pera sa kanyang backpack.
Lingid sa biktima, binubuntutan na pala ito ng mga suspek at bago pa makababa sa kanyang motorsiklo para pumasok sa construction site ay hindi na ito pinaporma pa.
Nang matumba naman si Que mula sa motorsiklo, kinuha mismo ng bumaril na suspek ang backpack ng biktima at saka tumakas.
Samantala, napag-alamang may closed circuit television (CCTV) camera sa harap at gilid ng pinangyarihan ng pamamaril pero ayon sa safety engineer ng ginagawang condo, hindi ito gumagana.
The post Payrollmaster tinodas sa QC appeared first on Remate.