CARMONA, CAVITE – Nangako ngayon si Team PNoy Senatorial candidate Rep. Edgardo “Sonny” Angara ng kanyang tulong upang maiangat sa kahirapan ang pamumuhay ng mga Pilipino, kasama na ang mga residente ng Cavite.
Ayon kay Angara, madaragdagan ang tulong sa mga maunlad na lugar sa bansa sa kabila ng patuloy na mabilis na paglago ng populasyon dulot ng industriyalisasyon sakaling mahalal siya sa Senado ngayong Mayo.
Binigyang diin niya na mapalad ang mga Caviteno dahil nauna nang naideklara ang lalawigan na industrial zone (CALABARZON) samantalang nag-uumpisa pa lamang ito sa ibang lalawigan.
Inamin ng mambabatas ng Aurora na mangangailangan pa ng karagdagang pondo ang lalawigan sa pagdami ng populasyon, lalu sa health sector at mga paaralan.
Sa kasalukuyan, ang Cavite ay may tatlong milyong populasyon, isa sa pinakamalaki sa bansa. Ang lalawigan ay mayroon ding 46 industrial zones kumpara sa Aurora na nag-uumpisa pa lamang magtayo ng Freeport zone.
“Doon po sa Aurora, itinatayo pa lamang po ang Freeport. Hirap na hirap po kami dahil kailangan namin ng tulong ng national government. Kayo po, sariling sikap, kayo mismo. Kami sa Kongreso, nakapagtayo kami ng tatlong bagong siyudad dito sa Cavite na makakatulong po sa pagsulong ng ekonomiya ng Cavite,” ani Angara.
Ayon kay Angara, maganda ang intensyon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino para sa mga Caviteno. Pinuri din niya ang magagaling na mambabatas sa Cavite sa Kongreso tulad ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya.
Binigyang diin din ni Angara ang kahalagahan ng pamilyang Pilipino dahil ito ang pinakamahalagang pundasyon ng lipunan.
Bilang anak ng isang guro, sinabi ni Angara na alam niya na pangarap ng bawat magulang ang mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak kaya isa rin ito sa kanyang mga prayoridad sakaling makakaupo siya sa Senado.
“Tulong ko po sa mahihirap na Pilipino yung pagsasabatas ng libreng Kindergarten. Kung dati-rati po, mga anak lamang ng mayayaman ang nakapag-aaral sa kindergarten, ngayon po, ke anak ka ng mayaman o mahirap, pareho na pong makapag-aaral ng kindergarten. Iyan po ang hinihingi ng pamilyang Pilipino, at iyan po ang kahilingan ng sambayanang Pilipino – ang mabigyan po ng pagkakataon na makapag-aral,” ayon pa kay Angara.
Dahil dito, dinagdagan ang benepisyo para sa mga guro sa pampublikong paaralan at mga senior citizen tulad ng pag-aalis ng VAT.
“Kung dati, may VAT pa na sinisingil sa mga senior citizens , ngayon po, tinanggal na po natin yan,” ayon pa sa kanya.
Si Angara ay may 3,000 scholars na napag-aral na at 3,000 mahihirap na pasyenteng naipagamot na.
Ani pa niya, sapat na edukasyon ang kailangan upang matanggap sa mga in demand na hanapbuhay sa bansa.
“Kaya nga po itinaas na natin ang suweldo ng ating mga public school teacher sa pamamagitan po ng Joint Resolution No. 24 o ang Salary Standardization Law na ang may akda rin po ay ang inyong lingkod, Cong. Edgardo Sonny Angara. At ipagpapatuloy ko po at ipinapangako ko po sa inyong lahat dito sa Carmona,” dagdag pa ng mambabatas.