IGINIIT ngayon ng Minority bloc na paharapin sa Kamara ang itinuturong utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Sa Lingguhan press conference, sinabi ni Minority Leader Ronaldo Zamora na ipipilit ng minorya na ipatawag ng Kamara si Napoles para ito mismo ang kumanta kung sino-sino ang mga naka-transaksyon nito sa pork barrel scam.
Binigyan-diin ni Zamora na may basehan para gawin ito ng Kamara dahil bukod sa mayroon nang resolusyon na nagpapasiyasat ng pork barrel scam ay mayroon ding panukalang batas na matagal nang lubusang nagpapalusaw sa PDAF.
Maging si Justice Secretary Leila de Lima ay ipipilit din ng minorya na humarap sa Kamara pero mas gusto nilang si Napoles mismo ang maglitanya kung sino-sino ang mga mambabatas na nasa listahan nito.
Giit pa ni Zamora, kailangang obligahin si Napoles na mailabas ang listahan sa lalong madaling panahon para hindi ito maging biktima ng dagdag bawas at siguradong authentic ang Napoles list.
Habang itinatago aniya ni De Lima ang listahan ay lalong lumalala ang mga espekulasyon at pinagdududahan na silang lahat ng mambabatas dahil dito.
Ang Kamara na lamang ang magsasagawa ng imbestigasyon sa P10 bilyong pork barrel scam kung wala ng balak ang Senado na muling buksan ang imbestigasyon nito.
Sa ganitong paraan ay mailalabas na rin dito ni De Lima ang sinasabing black notebook ni Napoles dahil wala naman magandang benipisyong nakikita ang mambabatas kung itatago lamang ito.
The post De Lima, Napoles pakakantahin ng Kamara appeared first on Remate.