PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na nagdedeklara sa Nobyembre 23 bilang “Philippine Press Freedom Day.”
Sa botong 210, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 4128 na iniakda nina Ako Bicol Partyliust Reps. Rodel Batocabe at Christopher Co.
Pangunahing layunin ng panukala na kilalanin ang mahalagang kontribusyon ng media sa pagsusulong ng kapakanan ng bansa, hikayatin ang mga mamamahayag na gampanan ang kanilang trabaho nang walang takot at ipaalala ang kanilang obligasyon na pairalin ang patas na pagbabalita.
Ang November 23 ay mahalaga sa larangan ng pamamahayag dahil sa Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang pinaslang kabilang ang may 32 journalists.
Aprubado rin kagabi sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na nagtataas ng parusa para sa mga election offense.
Sa botong 210, napagtibay ang House Bill 4111 na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga election offense na may kaakibat na karahasan, pananakot o pagbabanta.
Sa ilalim ng nasabing panukala na iniakda ni Cagayan de Oro Cong. Rufus Rodriguez, nakasaad na ang sinomang mahahatulang guilty sa election offense ay mabibilanggo ng mula anim hanggang 12 taon nang walang probationary period.
Pinakamabigat na parusa naman ang ipapataw sa mga kawani ng Comelec, mga sundalo, pulis hanggang barangay defense units na mapapatunayang lumabag sa election code.
Kung ang magkakasala naman ay isang political party, koalisyon o partylist ay papatawan ito ng multang kalahating milyong piso na may kaakibat na civil liability.
The post Nob. 23 bilang Press Freedom Day pinagtibay appeared first on Remate.