INUGA na naman ng magnitude 6.0 na lindol ang ilang bahagi ng Japan, kaninang umaga, Mayo 5.
Ayon sa US Geological Survey, naitala ang sentro ng pagyanig malapit sa Izu Oshima Island sa timog-kanluran ng Central Tokyo, sa lalim na 155 kilometro.
Tumama ang lindol alas-5:18 ng umaga (oras sa Japan) at niyanig nito ang ilang apartment at opisina.
Sa broadcast ng NHK, wala pang inuulat na napinsala o nasaktan sa lindol subalit nagbabala ito ng posibleng pagtama ng mga aftershocks.
Agad ding pinawi ng mga opisyal ang banta ng tsunami kasunod ng nasabing lindol.
Kasabay ng pagyanig, awtomatiko namang huminto sa pagbiyahe ang mga tumatakbong tren.
Samantala, ayon sa Nuclear Regulation Authority, hindi napinsala ang mga nuclear facility sa rehiyon kabilang na ang Fukushima Daiichi plant na matatandaang napinsala ng malakas na lindol noong 2011.
The post Japan inuga ng 6.0 na lindol appeared first on Remate.