WALA nang balakid upang makatakbo bilang kongresista sa Camarines Sur ang actor na si Aga Muhlach.
Ito ay matapos aprubahan ng Court of Appeals ang petisyon nina Aga at misis nitong si Charlene Muhlach na maibalik ang kanilang pangalan sa list of voters sa San Jose, Camarines Sur.
Sa 19 na pahinang desisyon ng CA 12th Division, inatasan nito ang Election Registration Board ng Comelec na maibalik sa listahan ng mga rehistradong botante sa San Jose, Camarines Sur si Muhlach kasama ang misis na si Charlene.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Vicente Veloso, ipinawalang bisa at isinantabi nito ang ruling ng San Jose, Camarines Sur RTC na nag-aalis sa mag-asawa sa voters’ list.
Una nang naglabas ng 60 day temporary restraining order (TRO) ang CA pabor kay Muhlach.
Iginiit sa petisyon na malinaw namang nakasaad sa batas na ang isang botante ay dapat na nakatira sa isang lugar anim na buwan bago ang halalan at hindi ang registration.
Ang mag-asawang Muhlach ay nakatira sa San Jose simula Pebrero 17, 2012 pa kung kaya’t nakasunod umano ang mga ito sa hinihinging residency requirement ng batas.