PATAY ang isang negosyanteng Chinese nang pagbabarilin ng dalawang armadong holdaper matapos manlaban habang kinukuha ng mga suspek ang kanyang belt bag na naglalaman ng salapi kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Zong Bin Lin, ng Gandara Mansion, Binondo, Manila sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Allan Valdez ng Homicide Section ng Pasay police, nasa harapan ng kanyang stall sa loob ng Baclaran LRT Shopping Mall ang biktima alas-3:45 ng hapon nang tutukan ng baril ng isang suspek at puwersahang hablutin ang kanyang belt bag.
Nanlaban ang biktima at nakipag-agawan sa bag na kinukuha ng isang suspek subalit pinagbabaril siya ng isa pang holdaper kaya’t nagkaroon na ng kaguluhan sa loob ng shopping mall.
Nang dumating ang mga tauhan ng Baclaran Police Community Precinct (PCP) sa pangunguna ni Chief Insp. Felimon Cacap sa naturang lugar, hinabol nila ang mga suspek subalit tuluyan na itong nakatakas dala ang belt bag na naglalaman ng ‘di pa batid na halaga ng pera.
Isinugod naman si Zong subalit patay na nang dumating sa ospital.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga suspek batay sa kuha ng CCTV sa naturang shopping mall.
The post Negosyanteng Tsinoy nanlaban sa holdaper, patay appeared first on Remate.