WALANG napala ang mga Pinoy sa pagbisita ng pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa Pilipinas.
Ito ang tahasang pahayag ni dating Sen. Joker Arroyo.
“Bottom line-what did the Philippines get out of the Obama visit? Zero.”
Sa isang press statement ni Arroyo nitong Martes, sinabi nito na bilang regalo sa pagdalaw sa bansa ni US Pres. Barack Obama, minadali ang paglagda ng US Ambassador at Secretary of National Defense sa Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagbibigay ng access sa karagdagang sundalong Amerikano sa Pilipinas.
Himutok ni Arroyo, tanging ang Malakanyang ang nagpasya rito at walang kinonsulta para pag-aralan kung naaayon ba sa Saligang Batas ang EDCA.
Bilang kapalit aniya, ang renewal ng hindi naman makatotohanang alyado o alyansa ng Pilipinas at Amerika at ang tanging pagbibigay puri sa Filipino executive chef sa White House.
Inaasahan ng dating senador na ihahayag ni Obama na sasawayin ang China sa panghaharas sa mga Filipino na nagagawi sa West Philippine Sea.
Dagdag pa nito, sa huling apat na bansang nilibot ni Obama, ang Japan, South Korea, Malaysia at Pilipinas, tayo ang number one sa gift-giving.
Dahil ang survey aniya ng SWS na nagsasabing 85% ng mga Filipino ay nagtitiwala sa Estados Unidos na nagsilbi ring regalo sa pagbisita ni Obama sa bansa.
Samantala, una nang sinabi ni Sen. Miriam Santiago, ang nasabing kasunduan (EDCA) ay nangangailangan ng approval ng Senado.
Bagama’t wala aniya siyang basehan kung masasabing positibo ang kasunduan sa Pilipinas, hindi man lang aniya iginalang ang Senado para bigyan ng kopya nito.
Malugod namang tinanggap ni Sen. Bam Aquino ang pagdating ni US Pres. Obama sa bansa dahil ito’y magbibigay ng pagkakataon sa pamahalaan ng US at Pilipinas na palakasin pa ang pagtutulungan at linawin pa ang detalye ng EDCA.
The post Pinas walang napala sa pagbisita ni Obama — Joker appeared first on Remate.