PINASALAMATAN ng Malakanyang si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada sa matagumpay na paglutas sa mahigit tatlong taon na hindi pagkakaunawaan ng Pilipinas at HongKong dahil sa Quirino Grandstand incident.
Kulang na lang ay magpamisa ang Malakanyang dahil bumalik na sa normal ang relasyon ng Pilipinas at HongKong Special Administrative Region.
Aminado ang Malakanyang na malaki ang nagawa ng pagpunta ni Mayor Estrada sa HongKong kasama sina Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras at ilang konsehal ng Maynila at Philippine National Police Director General Alan Purisima.
Nakiisa naman ang Malakanyang sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagkilala sa naging pahayag ni HongKong Chief Executive CY Leung na tinatapos na nito ang Quirino Grandstand incident na nangyari noong Agosto 23, 2010 at ang pagkakaalis ng parusang iginawad ng HongKong sa Pilipinas na travel ban sa mga public officials.
Ayon kay Press Sec. Herminio “Sonny” Coloma, Jr., sinabi sa kanya ni Sec. Almendras na nagpalabas ng hiwalay na kalatas si CY Leung kung saan ay pinasalamatan nito sina Pangulong Aquino at ang Philippine government dahil sa positibong development na ito.
Sa kabilang dako, ipinarating na ni Sec. Coloma kay Pangulong Aquino ang report na ito ni Sec. Almendras kung saan ay ipinahayag nito ang kanyang pagtanggap sa nangyaring final closure at mutually satisfactory conclusion sa usaping ito.
Samantala, sang-ayon naman si Sec. Almendras na magbigay ng komprehensibong talakayan bukas, Abril 24, ukol sa isyung ito.
The post Pagtuldok sa tampuhan ng Pinas at HK, ipinagpasalamat kay Erap appeared first on Remate.