PINAWI ni Justice Secretary Leila de Lima ang agam-agam ng kampo ng mga whistleblower sa pork barrel scam matapos kausapin at tanggapin ang sworn statement ni Janet Lim-Napoles.
Ayon kay de Lima, dadaan pa sa masusing pagsusuri ang statement ni Napoles kung siya ba ay nagsasabi ng katotohanan.
Kailangan umano nilang beripikahin kung alin sa bahagi ng kanyang testimonya ang totoo, kuwestyonable, hindi kapaniwala-paniwala at gawa-gawa lang.
Nauunawaan din umano ni De Lima ang nararamdamang agam-agam ng mga whistleblower, pero handa siyang ipaliwanag nang personal sa mga ito ang kanyang desisyon na kausapin si Napoles.
Naniniwala rin si De Lima na responsableng mga indibidwal ang mga whistleblower at batid ng mga ito kung gaano kahalaga ang kanilang testimonya, huwag lamang silang gagatungan.
Magkagayunman, hindi pa raw handa si de Lima na bigyan ng kopya ng statement ni Napoles ang mga whistleblower.
Sa gagawin niyang pakikipagpulong sa mga whistleblower sa susunod na linggo, layunin nito na tiyakin na walang secret deal na nagaganap kaugnay ng pakikipag-usap niya kay Napoles.
The post Sworn statement ni Napoles beberipikahin pa appeared first on Remate.