BUKOD sa mga senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla, may 19 senador pa ang isasabit ni Janet Lim-Napoles sa kanyang kinasasangkutang P10 billion pork barrel sam.
Ito mismo ang inamin ni Justice Secretary Leila de Lima matapos ang halos limang oras nilang pag-uusap ni Napoles sa Ospital ng Makati.
Kung sina Enrile, Revilla at Estrada ay tahasang kinumpirma ni de Lima na tinukoy na ni Napoles, pansamantala namang hindi muna ibinubunyag ang iba pang senador na may alam din sa pork scam.
Samantala, ilang senador naman ang umaming nangangamba sila ngayon sa sinasabing pagbaliktad ni Napoles.
Ito ay dahil baka maging sila umano ay madamay sa “smear campaign” ni Napoles.
Isa na rito si Senate President Franklin Drilon, na bagamat sinabing magandang development ang pagsalita ni Napoles, ay tiwala naman siyang hindi maaapektuhan kung sakaling idadamay siya ni Napoles sa isyu.
Magugunitang sa kasagsagan ng isyu ay lumabas ang ilang larawan kung saan kasama ni Drilon si Napoles sa isang party, na agad namang itinanggi ng liderato ng Senado.
The post 19 senador pa isasabit ni Napoles sa ‘pork scam’ appeared first on Remate.