ISANG araw matapos ang pagsisimula ng 90-araw na campaign period para sa national candidates nitong Martes, sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapadala ng notice sa mga kandidatong may illegal campaign posters.
Kasabay nito, nagbabala si Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na kaagad sasampahan ng kaso ang mga kandidatong mabibigong magtanggal ng kanilang mga illegal poster matapos ang tatlong araw mula pagkatanggap ng notice mula sa poll body.
“Wala naman kaming taong magtatanggal ng dinidikit nila (candidates). ‘Pag di nila tinanggal after three days from notice mag-uumpisa na kami mag-file ng charges,” ani Brillantes.
Aminado naman si Brillantes na sa ngayon ay puro babala pa lang ang kanilang ginagawa ngunit matapos aniya ang tatlong araw ay aaksyon na sila.
“Tingnan natin within the next few days. Probably by the weekend, tapos na ho yung three days, baka makakita na tayo ng konting galaw from us. Ngayon, puro warning lang ho kami. ‘Yung mga nagdidikit, okay, ‘di pa namin kayo hahabulin pero tatanggalin din niyo ‘yan,” aniya pa.
“‘Pag ‘di niyo tinanggal, kayo na ho ang bahala. Kami naman ang bahala sa inyo,” aniya pa.
Pinakiusapan din ni Brillantes ang mga kandidato na huwag isugal ang pagkakataong manalo sa halalan dahil sa sandaling idemanda sila ng Comelec ay maaaring masira ang kanilang kampanya na magreresulta pa sa kanilang pagkatalo.
Nabatid na ang mga kandidatong magba-balewala sa mga babala ng Comelec ay maaaring mapatawan ng parusang pagkabilanggo ng mula isa hanggang anim na taon, alinsunod sa Section 264 ng Omnibus Election Code.
Maaari rin aniya itong madiskuwalipika sa paghawak ng anumang pwesto sa pamahalaan at aalisan ng karapatang bumoto.
Samantala, nakahuli na ang Comelec na mga kandidatong lumabag sa pagbabawal na magdikit ng campaign materials sa hindi itinakdang common poster area.
Sa ginawang surprise inspection ng mga tauhan ng Comelec sa Taft Avenue, Sta. Ana at Sta. Mesa, Maynila, nakita ang mga poster nina senatorial bets Francis Escudero at Sonny Angara gayundin ang party list groups na Kabataan, Gabriela, Akap Bata, Anakpawis at LPGMA na kung saan-saan nakadikit.
May nakita rin ang mga taga-Comelec na posters ng Kabataan party-list sa campus ng Polytechnic University of the Philippines (campus) sa Maynila na isang prohibited area.
Sinadya ng poll body na gawing surpresa ang pag-iikot upang mabulaga ang mga tagasuporta ng mga kandidato at hindi makapagtanggal ng illegal posters bago pa dumating ang kanilang team.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, ini-rekord ng kanilang grupo ang mga paglabag na ito upang maabisuhan ang mga kandidato na tanggalin ang kanilang campaign posters.
Kapansin-pansin din aniyang bagamat may mga poster sa mga ipinagbabawal na lugar, wala namang nakapaskil sa mga itinalagang common poster area sa Plaza Dilao gayundin sa bakanteng lote sa kanto ng Magsaysay Boulevard at V. Mapa.
Patuloy namang hinihikayat ng Comelec ang publiko na isumbong sa kanila ang mga makikitang paglabag sa election campaigning sa pamamagitan ng pag-tweet sa @comelec gamit ang hashtag na #SumbongKo.