PINAYUHAN ng Department of Heath (DoH) ang publiko na huwag mabahala sa Middle East respiratory syndrome-Corona virus (MERS-CoV).
Ipinahayag ito ng DoH kasunod ng ulat na isang OFW mula sa Middle East ang nagpositibo sa naturang sakit.
Ayon kay DoH-Program Manager for Emerging and Re-Emerging Disease Dr. Lyndon Lee-Suy, naka-quarantine na ang ‘di pinangalanang OFW sa ospital sa bansa.
Sinabi rin ni Dr. Suy na ginagawa nila ang lahat upang hindi na madagdagan pa ang kaso ng MERS-CoV sa bansa.
Matatandaan na dumating sa Pilipinas ang OFW noong Martes matapos itong magpositibo sa naturang sakit.
Sa ngayon, kinikilala na rin ng DoH ang mga pasahero na katabi ng OFW sa eroplano habang pauwi sa bansa upang mabigyan ng kaukulang pansin dahil sa posibilidad na nahawa sa naturang sakit.
Kaugnay nito, pinayuhan din ng DoH ang mga OFW mula sa Middle East na agad magpakonsulta sa doctor kapag may mga sintomas ng MERS-CoV gaya ng ubo, sipon at problema sa paghinga.
The post Huwag mabahala sa MERS-CoV — DoH appeared first on Remate.