IPINAUBAYA ng Malakanyang sa Kongreso ang pagtalakay sa hirit ng isang mambabatas na bigyan ng tax break ang Pambansang Kamao Manny Pacquiao matapos manalo kay Timothy Bradley noong nakaraang Linggo, Abril 13.
Ayon kay Press Secretary Herminio “Sonny” Cooma, Jr., bahala na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na patulan ang panukalang batas o hirit ni Valenzuela City Cong. Magtanggol “Magi” Gunigundo na bigyan ng tax break si Pacquiao dahil na rin sa mga karangalan na ibinigay nito sa bansa.
“Hayaan na lang po natin na talakayin muna nila ‘yan dahil sila naman ang mga mambabatas,” ani Sec. Coloma.
Sa kabilang dako, tila isinisisi naman ng Malakanyang sa media kung bakit lumalabas na ayaw tantanan ni Internal Revenue Commissioner Kim Henares si Pacquiao dahil mula sa P2.2-billion na hinahabol na buwis mula rito ay umakyat na ito ng P2.6-billion.
Ang katwiran ni Sec. Coloma ay tinanong lamang ng mga kagawad ng media si Henares ukol sa tax na babayaran ni Pacman matapos manalo sa laban nito kay Bradley at maayos at walang malisya naman aniyang sumagot lamang si Commissioner Henares.
At bilang isang public official aniya ay tungkulin nitong sumagot o sagutin ang isyu lalong-lalo na kung ang isyu na tinanong sa kanya ay “of public interest”.
Kaugnay nito, matagal na aniyang alam ni Pacquiao at taumbayan ang usaping ito at malinaw aniya sa sinabi ni Commissioner Henares na hindi nito pinepersonal ang Pambansang Kamao.
The post Tax break kay Pacman, bahala ang Kongreso – Malakanyang appeared first on Remate.