NASILO ng mga mangingisda kaninang umaga, Abril 13 sa may boundary ng North Cotabato at Maguindanao ang isang malaking buwaya na kauri ni Lolong na isang saltwater crocodile o crodylus porosus.
Bagama’t si Lolong na tinaguriang pinakamalaking buwaya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ay may sukat na 20 feet 3 inches at may timbang na mahigit 1, 075 kilos, samantalang ang bagong nahuling buwaya naman ay walong talampakan lamang ang haba at tumitimbang ng 100 kilos.
Naihawla ito dakong 7:15 ng umaga sa isang masukal na bahagi ng Liguasan Marsh sa Barangay Dungguan, M’lang, North Cotabato.
Ayon sa mga mangingisda, maaga silang pumalaot sa nasabing ilog upang manghuli ng isda pero nagtaka sila dahil mabigat ang kanilang nasilo lalo na nang malaman nilang buwaya pala ang kanilang nahuli.
Sa ngayon, plano ni M’lang Mayor Lito Piňol na i-turn over sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nahuling buwaya para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa mga residente na nasa gilid ng Liguasan Marsh, Rio Grande de Mindanao at Pulangi river, madalas silang makakita ng malalaking buwaya sa Marsh area ng North Cotabato at Maguindanao pero hindi nila ito ginagambala.
Namatay si Lolong noong Pebrero 10, 2013. Nahuli ito sa Bunawan creek sa Agusan del Sur at tinayuan ng sariling kulungan sa lungsod pero nagkasakit at namatay.
Si Lolong, na idineklara ng Guiness Book of record ang pinakamalaking buwaya sa buong mundo na nasa kustodiya ng tao.
The post Kauri ni Lolong, nasilo sa N. Cotabato appeared first on Remate.