MULING inaanyayahan ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang lahat sa libreng pagpapalabas ng ikalawang paghaharap nina Pambansang Kamao Manny Pacquiao at Timothy “Desert Storm” Bradley sa Linggo, ika-13 ng Abril sa piling lugar sa lungsod simula ika-9 ng umaga.
Matutunghayan ng mga manonood ang ikalawang pagtatapat ni Pacquiao at Bradley nang libre sa mga sumusunod na lugar: Marikina City Hall Quadrangle, Freedom Park, Parang Playground sa Brgy. Parang, at Liwasang Kalayaan sa Brgy. Marikina Heights.
Ang pagtatapat para sa WBO Welterweight Title ni Pacquiao at Bradley ay gaganapin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas Nevada sa ika-12 ng Abril, oras sa Estados Unidos.
“Ito ay laban ng ating kababayan na ilang beses nang nagbigay ng karangalan sa ating bansa. Kaya naman sa pamamagitan ng libreng pagpapalabas na ating ginagawa, nais nating ipakita sa ating Pambansang Kamao ang ating dasal at suporta sa kanyang laban para sa sa WBO Welterweight title,” wika ni Mayor Del De Guzman.
The post Free viewing sa Pacquiao vs Bradley fight sa Marikina sa Linggo appeared first on Remate.