GUSTONG malaman ng Malakanyang ang pangalan ng tatlong menor de edad na evacuees na nagkaroon ng sexually transmitted infection matapos masadlak sa prostitusyon bunsod ng kahirapan matapos ang Zamboanga seige.
Ang pakiusap ni Press Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., ay agad na ipagbigay-alam sa Department of Social Welafre and Development (DSWD) ang impormasyon ukol sa 3 menor de edad na nagtataglay ng STI.
“Dapat po tulungan natin ‘yung tatlong kababaihan na ‘yon at tukuyin ‘yong problema. Kaya kung alam lang natin kung sino sila at nasaan sila, ipagbibigay-alam po natin ‘yan sa ating DSWD para gawan ng aksyon,” anito.
Sa ulat, sinabi ni Gabriela Party-list Emmie de Jesus na 20 kababaihan ang tinamaan ng sti at tatlo sa bilang na ito ay pawang mga menor de edad.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si sec. Coloma na sa lahat ng mga lugar na mayroong kalamidad ay mayroong kakaibang hamon sa mga opisyal na maging mas mapagmasid ang mga ito, mapagmatyag para maalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan pati ng mga kababaihan.
Binigyang diin ng opisyal na pwede naman aniyang pagtulungan ng iba’t ibang mga civic organizations at grupo ng simbahan ang problemang katulad nito dahil ito aniya ay isang panlipunang concern.
“Hindi naman maaari na iisang ahensiya lamang ng pamahalaan ang mayroong pananagutan diyan,” pahayag ni Sec. Coloma.
Nauna rito, sinabi naman ni Sec. Coloma na sinusubaybayan ng DSWD ang lahat ng mga evacuation centers kabilang na ang Zamboanga City, Bohol at sa iba pang mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
Bahagi aniya ng kanilang tungkulin ang pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan kasama na ang mga kababaihan.
“Ang isa kong alam, halimbawa, ay ‘yung hinggil sa adoption of children na maraming nagiging interesado doon sa Tacloban at iba pang lugar na maraming pamilya ang nagkaroon ng maraming ulila, ano, naulila sa magulang. Napakahigpit ng pinaiiral na patakaran hinggil diyan sapagkat isa sa mga layunin ay ‘yung hindi magkaroon ng human trafficking. Prostitution is an aspect of trafficking,” anito.
Tiniyak at binigyang diin ni Sec. Coloma na determinado ang pamahalaan na subaybayan ang sitwasyon sa lahat ng mga evacuation centers at hindi na aniya dapat madagdagan pa ang sakripisyo o pagdurusa ng mga pamilya.
“They have suffered enough from the consequences of the disasters, e madadagdagan pa ‘yon kung mapapariwara ang kanilang mga anak at mapapasok sa prostitusyon,” anito.
The post 3 bagets nahawaan ng STD sa evacuation center sa Zambo appeared first on Remate.