MALUBHANG nasugatan ang isang madre nang pagtatagain ng lalaking may diperensya sa pag-iisip sa Cebu kaninang umaga, Abril 6.
Nakaratay sa pagamutan sanhi ng taga sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Sister Annabel Macas, 36, isang madre sa Ave Maria Franciscan Sister’s Monastery sa Sac-sac Consolacion, Cebu.
Nasa kustodiya na ng awtoridad ang suspek na si Romelo Cordillera, 26, ng Sitio Tumilhaw, Barangay Tulo-tulo, Consolacion, Cebu.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-9:25 ng umaga sa loob ng compound ng nasabing monasteryo.
Sinabi ni P/S/Insp. Franc Oriol, hepe ng Consolacion PNP, bigla na lamang pumasok sa nasabing compound ang suspek at nang makita ay pinagtataga ang biktima.
Sa inilatag na interogasyon, hindi nagsasalita ang suspek sa ilan sa mga katanungan kaya pinapalagay na wala ito sa sariling wisyo.
Bagama’t may diperensya sa pag-iisip, sasampahan ng kasong frustrated murder ang suspek.
The post Madre sa Cebu pinagtataga ng baliw appeared first on Remate.