HINDI makikialam ang Malakanyang sa panawagan ni Senadora Miriam Defensor-Santiago na pagbakasyunin ang tatlong senador na kinasuhan ng plunder sa multi-bilyong pisong pork barrel scam.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, internal issue ito ng Senado at walang karapatan ang Malakanyang na panghimasukan ang magiging aksiyon ni Senate President Franklin Drilon.
Mayroong polisiya ang Kongreso para sa pagdisiplina sa kanilang mga miyembro na nasasangkot sa kontrobersiya at katiwalian.
Hayaan umanong umusad ang proseso para kina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile dahil mayroon namang pagkakataon ang mga ito na humarap sa korte at ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Iginiit ni Santiago na malinaw ang nakasaad sa batas na kapag ang isang opisyal ay nasampahan na ng kaso sa Sandiganbayan ay awtomatikong magbakasyon o tuluyang mag-resign sa kanyang tungkulin.
Samantala, plantsado na ang paghahain ng kaso sa 3rd batch ng mga sangkot sa pork barrel fund scam.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, kasama sa ikatlong batch ay ang mga bagong pangalan bukod pa sa dati nang nakasuhan tulad nila Janet Lim- Napoles at iba pang mga opisyal ng mga implementing agencies.
Bigo namang sabihin ng kalihim kung sino ang mga bagong personalidad na makakasama sa kaso.
The post Palasyo hands off sa kaso ng 3 senador sa PDAF scam appeared first on Remate.