ISANG lubid ang naging mitsa ng kamatayan ng isang tindera ng gulay sa Goa, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Gemma Remando.
Sa panayam kay C/Insp. Chito Aycardo, sinabi nito na namatay si Remando matapos mahulog sa kinalululanang tricycle.
Una rito, nagpahatid si Remando sa tricycle na minamaneho ni Edmar Bresinio sa Goa Public Market lulan ang kanyang mga panindang gulay.
Ngunit sa halip na maupo sa likod ng driver ay pinili ng biktimang sumabit na lamang sa tricycle.
Pinapasok pa ni Bresinio ang biktima ngunit tumanggi ito.
Pagdating sa silong ng palengke, hindi napansin ni Bresinio ang lubid na nakaharang sa daan dahil madalim kung kaya sumabit dito ang leeg ng biktima na naging sanhi upang malaglag sa sasakyan.
Tumama sa semento ang batok ni Remando at nagtamo ng seryosong pinsala sa ulo hanggang binawian ng buhay.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso sa driver ng tricycle sa paniwalang aksidente lamang ang nangyari.
The post Tindera ng gulay sumabit sa trike, dedbol appeared first on Remate.