DUMISTANSIYA ang Malakanyang sa panawagan na pakiusapan ang Ombudsman na gawing state witness at huwag nang ituloy ang 2 kasong graft na isinampa laban sa NBN-ZTE deal witness na si Rodolfo “Jun” Lozada.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi naman administrasyon ang nagbibigay ng immunity sa katulad ni Lozada.
Bahala na, aniya, ang Ombudsman kung gagawin nilang state witness si Lozada.
“Una, hindi yung administrasyon nagbibigay nong immunity.Depende ‘yon sa Office of the Ombudsman kung i-a-apply nila para maging state witness doon sa kaso. Iiwanan na sa kanila ‘yung mga ganoong detalye, tutal hindi naman po kami ang nagdedesisyon nung mga igagalaw po nung kaso. Alam naman po nating independent po ‘yang Office of the Ombudsman; independent din po ‘yung Sandiganbayan at binibigyang respeto po natin ‘yung mga prosesong legal lalo na po sa kasong ‘yan,” ani Valte.
Nauna ng sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat bigyan ng immunity at proteksyon mula sa kaso si Lozada dahil magagamit ng administrasyon laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo.
Aniya, mas makakabuting ipaubaya na lamang sa legal na proseso ang lahat at hayaan ang korte na magdesisyon sa naturang kaso ni Lozada.
“Let us allow the court to determine the case that was filed by the Ombudsman. Sila naman po ‘yung may jurisdiction over that particular case. And just to clarify, Marie, the meeting between Secretary De Lima and the AMRSP happened last Thursday so nabigyan na po agad ng… kasama po si Secretary De Lima, si Secretary (Armin) Luistro at si Secretary (Dinky) Soliman on the side of the government at nabigyan na po ng security detail for protection si Ginoong Lozada at ang kanyang pamilya,” ani Usec. Valte.
Sa kabilang dako, tiniyak ng Malakanyang na maayos ang seguridad ni Lozada lalo pa’t isa siyang key witness laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Nagpadala na po si Secretary Leila De Lima ng security for Mr. Lozada and his family dahil kahapon nga po, nagkaroon po ata sila ng pagpupulong with some Cabinet officials with the AMRSP (Association of Major Religious Superiors of the Philippines). The AMRSP expressed their concern for the safety of Mr. Lozada and his family so nag-agree si Secretary De Lima na mag-provide po ng security detail para po doon kay Ginoong Lozada at sa kanyang pamilya,” lahad nito.
Nagpadala na daw ng NBI ang DoJ para tiyakin ang seguridad ng akusado sa harap ng reklamong hinaharass siya ng mga nagpapakilalang NBI agents.