WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para makisawsaw pa si Pangulong Benigno Aquino III na pauwiin ng bansa ang wanted na si Manuel Amalilio, founder ng Aman Futures Group at pyramiding scam leader.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, hindi binibigyang pansin ng Malakanyang ang panawagan ng mga parliamentarians mula sa Malaysia na nagkaisang nagsabi na dapat nang makialam si Pangulong Aquino at personal na nitong kausapin si Malaysian Prime Minister Dato’ Sri Haji Mohammad Najib bin Tun Haji Abdul Razak para madali ang pagpapauwi sa bansa ni Amalilio.
Bahala na na, aniya, ang DoJ, DFA at DILG ang makipag-usap sa kani-kanilang mga counterpart sa Malaysia hinggil sa usaping ito.
“ As we said earlier, we would like to give our officials the space to keep working at getting back Mr. Amalilio to the country. So hayaan na po muna natin ‘yung DOJ at ‘yung DFA, at ‘yung DILG na makipag-usap po doon sa kanilang mga counterpart sa Malaysia, at patuloy naman po na bukas ang ating mga linya doon sa mga counterpart natin doon,” ani Valte.
Matatandaang hinikayat mismo ng mga bumibisitang Malaysian parliamentarians ang Punong Ehekutibo na i-pressure si Prime Minister Najib Razak para maibalik sa bansa ang suspek.