NALAMBAT ng mga otoridad ang lider ng gapos gang na Cuya robbery group at apat na miyembro nito sa isinagawang operasyon sa isang Beach Resort sa Brgy. Barreto, Olongapo City kahapon, Marso 19, Miyerkules.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Superintendent Richard Albano ang lider na si Jonathan Cuya, 23, residente ng 28 B Sto Cristo St., Balintawak, QC, mga miyembro na sina Juse Cuya Jr. , 25, negosyante, Michael Tolentino, 19, binata, ng Talanay Area B, Batasan Hills, QC; Martin Lalata, 27, binata ,pedicab driver at Roldolfo Lalata, Jr., binata, tricycle driver, kapwa ng 13 A Sto. Cristo St., Balintawak, Quezon City.
Ayon kay Albano, nadakip ang grupo dahil sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU)
na pinamumunuan ni Police Chief Inspector Rogelio B. Marcelo, nang matukoy na ang pinagtataguan ng grupo na hinihinalang sangkot sa nakalipas na kaso ng robbery hogtied nitong Marso 17, 2014 sa bahay ng isang Jesus Ver sa no. 48 Seattle St., Brgy. Immaculate Concepcion, QC na tumangay sa 2 milyong halaga ng pera at alahas sa biktima matapos igapos ang siyam na miyembro ng kanilang pamilya.
Aniya pa, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis sa pinagtataguan ng mga suspek sa Subic, Zambales na agad nagsagawa ng surveillance sa lugar.
Kamakalawa, nadakip ng pinagsanib na operatiba ng CIDU ng theft and robbery section sa pangunguna ni Inspector Alan dela Cruz ng CIDU at Police Regional Office 3 ng PNP ang mga suspek.
Nakapiit ngayon ang mga suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso sa mga nadakip.
The post Lider at 4 na miyembro ng ‘gapos gang’ nalambat ng QCPD appeared first on Remate.