LUMAMBITIN sa hagdan na bakal ng fire exit ng Citystate hotel ang magkapatid na paslit kaninang hapon sa Quiapo, Maynila.
Nabatid na 3 at 4 na taong gulang pa lamang ang mga bata na umakyat sa rooftop ng nasabing hotel.
Ayon kay Daphne Sy, front desk clerk ng Citystate, naka-check in sa 3rd floor ang magulang ng mga bata simula pa kahapon at kaninang umaga na lang dumating ang magkapatid kasama ang kanilang yaya.
Pasado ala-una nang ma-rescue ang magkapatid at alas-dos nang mag-checkout ang mga ito sa hotel.
Sinabi naman ni Willy Cansino, supervisor on duty, na posibleng naglaro ang dalawa, lumabas sa fire exit at umakyat nang umakyat hanggang sa 12th floor at lumabas sa roof top.
Umaga pa lang ay nawawala na ang magkapatid.
Bandang tanghali nang nagulat na lang ang mga tindero at tindera sa Quiapo nang makita ang batang babae na bumababa sa nakabiting hagdan mula sa rooftop.
Ang kanyang kuya naman na 4-anyos ay naiwan sa rooftop.
Kapwa na-rescue ang magkapatid.
Samantala, tinanggal na ng hotel ang nakalambiting hagdan na ginagamit sa pagpipintura ng gusali.
The post 3 at 4-anyos na paslit lumambitin sa hagdan ng fire exit ng hotel appeared first on Remate.