NAGPIYANSA na si dating Chief Justice Renato Corona sa kanyang kasong tax evasion na una nang naisampa ng Bureau of Internal Revenue sa DOJ sa Court of Tax Appeals (CTA).
Personal na nagpunta si Corona sa CTA para magbayad ng P120,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan bago pa man magpalabas ang CTA ng warrant of arrest.
Matatandaan na nitong Lunes, Marso 3 ay iniakyat na sa CTA ang kaso matapos ibasura ng DOJ ang motion for reconsideration ng dating punong mahistrado.
Nabatid na batay sa pinakahuling desisyon ng DoJ na inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano, wala umanong bagong argumento na nailahad sa motion for reconsideration.
Itinakda naman ng CTA ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Corona sa darating na Abril 2.
Sa reklamo ng BIR, nabigo umano si Corona na bayaran ang mahigit P120 million na halaga ng buwis at hindi rin umano siya nakapaghain ng kanyang income tax return sa loob ng anim na taon mula 2003, 2004, 2005, 2007, 2008 at 2010.
The post Corona nagpiyansa sa tax evasion case appeared first on Remate.