DISMAYADO si Pangulong Benigno Aquino III sa rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na bagama’t hindi naman siya ang Pangulo ay mararamdaman naman niya sa mga naging mensahe nito na hangad niya ang mas maraming resulta ng rehabilitasyon at rekonstruksyon lalo pa’t mahigit 100 araw na ang nakararaan ng manalanta ang bagyong Yolanda.
Ipinamukha naman ng Malakanyang kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez ang international donations na nasa Foreign Aid Transparency Hub (FAITH) ang hinahanap nitong pondo para sa rehabilitation at reconstruction project ng gobyerno para sa mga lugar na hinambalos ng bagyong Yolanda.
Tila tanggap naman ng Malakanyang ang deskripsyon ng mga survivor sa Tacloban City na parang bahay ng kalapati ang mga itinayong bunkhouses ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang katwiran ni Usec. Valte ay pansamantala lamang naman kasi na titirhan ng mga Yolanda survivors ang nasabing bunkhouses.
“They are meant to be transitional homes for them while the permanent homes are being constructed,” ayon sa opisyal.
Sinabi pa nito na ginagawa naman lahat ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Sec. Panfilo Lacson ang kanyang makakaya upang sundin ang international standards sa pagtatayo ng bunkhouses.
Hindi naman nagustuhan ni Usec. Valte ang ipinahayag ni UNA Secretary-General Representative Tiangco, na “guilty” si DBM Secretary Butch Abad sa paglilipat ng DAP funds sa bogus NGOs.
Binigyang diin nito na hindi nila sinasang-ayunan ang sinabi ni Tiangco dahil sa kanyang pagkakatanda ay ang mga senador ang nag-request na ang benepisaryo ng pondo ay mapunta sa proyektong nais nilang mapagtagumpayan.
The post PNoy dismayado sa rehab efforts sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda appeared first on Remate.